CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 82 ang nasawi sa Santiago City dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) matapos na apat ang bagong namatay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa pamahalaang lunsod, naitala kagabi ang 18 na bagong kaso, 61 ang bagong gumaling at apat na nasawi.
Dahil dito ay sumampa na sa 3,858 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Santiago City, 3,543 ang gumaling, 233 ang aktibong kaso habang 82 na ang nasawi.
Nangunguna sa talaan ang barangay Rosario na may 396 na kaso at 9 ang namatay, sumunod ang Rizal na may 326 at may 6 ang nasawi, pangatlo ang barangay Plaridel na may 277 at 9 ang namatay.
Pito naman ang naitalang nasawi sa barangay Victory Norte na may 263 na kabuuang kaso, sinundan ng barangay Patul na may 230 at tatlo ang nasawi.
Pinakamababa ang barangay Sta. Rosa na may dalawa at barangay Sinili na may apat na pawang gumaling na.











