--Ads--

Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Santiago City sa mga negosyante na maging maunawain at makiisa sa isinasagawang solid waste inspection upang matiyak ang kanilang pagsunod sa umiiral na mga panuntunan sa pamamahala ng basura.

Ayon sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), ilang empleyado at garbage collector ang nakararanas ng pangamba tuwing nagsasagawa ng inspeksyon dahil sa ilang negosyanteng nagiging iritable o nagagalit kapag sila ay sinusuri.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CENRO Officer Mario de Guzman II, sinabi niya na bagama’t may mga negosyanteng hindi natutuwa sa inspeksyon, bahagi ito ng kanilang mandato upang masiguro na ang lahat ng establisyemento ay sumusunod sa solid waste management regulations ng lungsod.

Iginiit din niya na mahalaga ang kooperasyon ng mga negosyante upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran, lalo na sa mga commercial areas na may malaking ambag sa dami ng basura.

--Ads--

Kabilang sa mga tinitingnan sa inspeksyon ang wastong paghihiwalay ng basura (segregation), paggamit ng tamang uri ng supot o lalagyan, at pagsunod sa itinakdang iskedyul ng pagtatapon ng basura.

Nagpaalala rin ang CENRO na ang mga lalabag sa mga ordinansa ay maaaring patawan ng kaukulang multa o iba pang parusa alinsunod sa umiiral na batas ng lungsod.

Sa kabila nito, umaasa ang lokal na pamahalaan na mananaig ang kooperasyon at disiplina ng mga negosyante upang makamit ang mas malinis at ligtas na kapaligiran para sa lahat.