CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng Santiago City Police Office ang kagandahan ng bagong oplan visa makaraang marami ang mga motoristang umaangal dahil sa pagpapalit na naman ng oplan visa.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa ilang mga motorista ang kinukwestiyon at laging sinisita ng mga pulis sa lansangan at sinasabihang magpalit na ng oplan visa.
Dahil dito maraming motoristang sumasakay ng motorsiklo ang nagtatanong kung ano ang kaibahan ng kanilang oplan visa at bakit kailangan pa itong palitan gayong sa pagkakaalam ng karamihan ay wala itong expiration.
Maging mga tsuper ng tricycle ay pinapara na rin sa mga checkpoint at pinapayuhang kumuha ng oplan visa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PMaj Fedimer Quitevis, Public Information Officer ng SCPO, sinabi niya na kailangang muling kumuha at magpalit ng makabagong oplan visa o ang oplan E-visa.
Mayroon aniyang pagbabago at nakasaad sa bagong City ordinance na maging ang mga tricycle, at kulong kulong ay dapat na magkaroon ng oplan E-visa dahil minsan ay tinatanggal ang sidecar sa mismong motorsiklo.
Kaya minabuti na lang na maging ang mga tricyce at kulong kulong ay pinapakuha ng E-VISA dahil layunin nitong makontrol ang paggamit sa motorsiklo sa hindi kanais-nais na gawain o krimen.
Makakatulong din ito upang mapadali ang pagtukoy kung kanino ang isang motorsiklo dahil sa bagong disenyo nito na mayroon ng QR code at isang scan lamang dito ay makukuha na lahat ng detalye ng may-ari ng motorsiklo.
Mayroon ng nakasaad na validity ng naturang oplan Visa sa bagong ordinansa kaya kailangan na nila itong irenew kapag nagpaso dahil makikita rin sa QR code nito kung kailan ito magpapaso.
Madali lamang aniya ang pagkuha ng bagong oplan visa dahil may mobile application nang Lingkod Bayanihan kung saan doon magreregister ang isang motorista at magbabayad sa City Treasurer’s Office at maaari nang makuha ang oplan visa sticker sa himpilan ng pulisya.
Paglilinaw din ni PMajor Quitevis na hindi lamang oplan visa ang beniberipika sa mga checkpoint kundi maging ang pagtiyak sa mga motorista kung sila ay may dalang dokumento ng motorsiklo, lisensiya sa pagmamaneho at helmet para sa kanilang Kaligtasan at kung wala ay mabibigyan sila ng ticket.
Pinapaalalahanan ang mga motorista na laging dalhin ang kompletong dokumento sa tuwing magmaneho upang maiwasang maabala at hindi rin mapatawan ng kaukulang multa.