--Ads--

CAUAYAN CITY – Handa ang Santiago City Police Office na ilabas ang datos ng kanilang accomplishments kaugnay sa illegal na droga upang pabulaanan ang pahayag ni PNP Chief Oscar Albayalde na number 4 hot bed ng illegal droga ang Santiago City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Senior Supt. Juan Aggasid, City Director ng Santiago City Police Office na kanyang ikinagulat kung anong datus ang ginamit ng PNP Chief sa kanyang naging pahayag.

Kung titignan anya ay maliwanag na ang Isabela ay mayroong nadiskubreng laboratoryo ng shabu maging sa lalawigan ng Cagayan ngunit sa Lunsod ng Santiago ay wala.

Ayon pa kay City Director Aggasid, sa katunayan ay isa na lamang na itinuturing na big fish ang hindi pa nila nadarakip ngunit sa mga susunod na panahon ay kanilang maaaresto dahil lumiliit na ang kanyang mundo .

--Ads--

Tiniyak pa ni City Director Aggasid na hindi nagpapabaya ang kapulisan sa Lunsod ng Santiago upang tuluyang malinis sa droga ang Santiago City.

Samantala, inihayag naman ni City Mayor Joseph Tan na maaring nagkamali ng nasilip si PNP Chief Oscar Albayalde sa kanyang naging datos sa pagpapahayag kaugnay sa pagkaladkad sa Lunsod ng Santiago bilang pinagmumulan ng illegal na droga.

Inihayag pa ni Tan malamang na lumang datos ang nasilip ng PNP Chief.

Ayon pa kay Mayor Tan bagamat iginagalang ang pahayag ng PNP Chief ay kanyang sinabi na dapat ay ivalidate ang mga impormasyon bago ilabas sa media upang hindi makaladkad ang Lunsod ng Santiago.

Ito ay dahil ginagawa nila ang lahat ng pamamaraan upang malinis ang Lunsod ng Santiago sa illegal na droga.

Inihayag pa ni City Mayor Tan ipapatawag niya si City Director Aggasid at mga kasapi ng peace and order council upang muling i-assess ang usapin ng illegal na droga sa Santiago City.