--Ads--

Maigting na binabantayan ng Santiago City Police Office (SCPO) ang mga Bangko, Bus Terminals at iba’t-ibang business establishments sa nalalapit na holiday season upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. COL. Osmundo Mamanao, Officer in Charge ng SCPO, sinabi nitong kabilang ang mga nabanggit na lugar na target ng kriminal lalo na kapag dumadami ang tao at sirkulasyon ng pera.

Inihayag ni PLT. COL. Mamanao, hindi lamang ngayong Disyembre sila naghahanda dahil noong Nobyembre pa lamang ay nagsimula na sila sa kanilang plano para sa deployment plan ng kapulisan.

Bahagi nito ang pagtatalaga ng dagdag ng Police visibility, paglalagay ng mga mobile patrol at pakikipag-ugnayan sa mga security personnel at mga barangay official’s ng mga establisyimento.

--Ads--

Bukod sa bangko at terminal, kasama rin sa mga tututukan ang public market matapos nilang matukoy na isa ito sa mga lugar na posibleng samantalahin ng salisi gang.

Ani ni PLT. COL. Mamanao, karaniwang sinasamantala ng mga kawatan ang siksikan at pagmamadali ng mga mamimili kaya’t kinakailangang paigtingin ang presensya ng aktibidad.

Dagdag pa niya, inaasahang dadagsa ang mga tao sa lungsod lalo na sa mga susunod na linggo kaya hinihikayat nila ang publiko na maging mapagmatiyag at agad mag-ulat sa pulisya sa kahina-hinalang kilos sa kanilang paligid.