Naging maayos at kontrolado ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa bayan ng Tumauini matapos mag-deploy ng sapat na pwersa ang pulisya at ipatupad ang mga ordinansa laban sa maingay na mufflers at delikadong paputok, kung saan minor injuries lamang ang naitala at agad na naresolba ang ilang insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ Melchor Aggabao Jr., Chief of Police ng Tumauini Police Station, generally peaceful ang naging pagsalubong ng Bagong Taon sa bayan ng Tumauini matapos mag-deploy ang PNP ng 76 personnel, kabilang ang augmentation mula sa regional office.
Bago pa man ang bagong taon, nagpatupad na ang kapulisan ng mga bandilyo sa iba’t ibang barangay kaugnay ng pagbabawal sa maiingay na mufflers. Ipinatupad din ang “pitpit concept,” kung saan sinisira ang mga ilegal na tambutso upang hindi na magamit at maibalik ang stock pipe, alinsunod sa umiiral na ordinansa.
Nakatuon ang deployment ng PNP sa mga matataong lugar, lalo na sa sentro ng bayan at sa designated fireworks areas kung saan may walong rehistradong stalls na nagtitinda lamang ng allowed firecrackers, partikular ang kwitis. Isa sa mga naging hamon ang mabigat na trapiko sa centro, ngunit agad itong inaksiyunan sa pamamagitan ng police visibility at traffic management.
Samantala, may tatlong firecracker-related incidents na naitala sa Tumauini, pawang minor injuries sa kamay dulot ng biglaang pagsabog ng kwitis. Ang mga biktima ay edad 52, 48, at 11 taong gulang, kung saan binigyang-diin ng PNP ang kahalagahan ng parental guidance lalo na sa mga menor de edad.
Wala namang naitalang illegal discharge of firearms, at patuloy ang koordinasyon ng Tumauini PNP sa mga barangay officials upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa bayan kahit matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon.











