--Ads--

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng langis at kuryente sa bansa, kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin upang protektahan ang mga mamimili laban sa biglaang pagtaas.

Sa kanyang lingguhang vlog (BBM VLOG 279), sinabi ng Pangulo na iniutos niya ang pagtitiyak ng sapat na supply ng enerhiya sa susunod na 60 araw at kinakausap ang mga kumpanya ng enerhiya upang dagdagan ang kapasidad ng power grids.

Layunin nito na maiwasan ang matinding brownout, lalo na sa kasagsagan ng mataas na presyo ng petrolyo at sa paparating na mainit na panahon na magpapataas ng konsumo ng kuryente.

Ayon kay Marcos, 23 power projects na may kabuuang kapasidad na 900 megawatts ang inaasahang bubuksan at mag-ooperate, habang nagpapatuloy ang koordinasyon para sa paggamit ng Malampaya natural gas sa full capacity.

--Ads--

Nakahanda rin ang pamahalaan ng tulong para sa mga sektor na lubos na apektado ng oil crisis, kabilang ang mga drayber, manggagawa, magsasaka, at mangingisda, upang maibsan ang epekto sa kanilang kabuhayan.