Nagpapatuloy ang isinasagawang satellite registration ng Commission on Election (COMELEC) Cauayan sa iba’t ibang barangay at eskwelahan sa lungsod upang mas marami pang residente ang makapagparehistro bago ang takdang deadline sa May 8, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer IV ng COMELEC Cauayan, tuloy-tuloy ang kanilang operasyon mula Lunes hanggang Sabado upang mabigyan ng mas malawak na pagkakataon ang publiko, lalo na ang mga estudyanteng hindi agad makapunta sa kanilang opisina.
Bagama’t pansamantalang natigil ang operasyon dahil sa pananalasa ng Bagyong Uwan, agad namang nakabalik sa normal ang kanilang serbisyo nang bumuti ang panahon.
Nilinaw din ni Vallejo na walang kahit anong bayad ang pagpaparehistro at kailangan lamang magdala ng valid ID para sa beripikasyon.
Samantala, inanunsyo rin ng COMELEC na maaari nang magparehistro ang mga kabataang edad 14 taong gulang na ang kaarawan ay bago o mismong tatapat sa ika-2 ng Nobyembre. Maaari silang magdala ng anumang valid ID; ngunit kung wala, pwede silang samahan ng isang kakilala o kamag-anak na rehistradong botante sa kanilang barangay.
Ang nasabing kasama ang pipirma sa isang sinumpaang salaysay na magpapatunay na ang menor de edad ay tunay na residente ng lugar.
Nanawagan naman ang COMELEC Cauayan sa publiko na huwag mag-atubiling lumapit o magtanong sa kanilang mga tauhan sakaling magkaroon ng alinmang problema o katanungan kaugnay ng pagpaparehistro.
Tiniyak nila na handa silang magbigay ng tulong at gabay sa bawat nagnanais maging bahagi ng nalalapit na halalan.










