--Ads--

Patuloy na nagpapagaling ngayon si Sangguniang Bayan Member candidate Mark John Paul Tipon at dalawa pa niyang kasamahan matapos silang makaligtas sa tangkang pananambang sa Barangay Bungad, San Pablo, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga biktima ng pananambang na si Mark John Paul Tipon, sinabi niya na galing sila sa isang birthday party ng kaniyang kaibigan sa Barangay Bungad, San Pablo, Isabela.

Aniya, pauwi na sila nang makasalubong nila ang dalawang puting van at puting pick up.

Sa una ay hindi nila pinansin ang naturang mga sasakyan at ipinagpatuloy ang pagmamaneho hanggang sa napansin niyang bumwelta ang pick up at hinabol ang kanilang sasakyan.

--Ads--

Nagkaroon aniya ng habulan hanggang sa harangin sila at mula sa puting pick up ay bumaba ang dalawang armadong suspek at pinaulanan sila ng bala gamit ang M16 rifle at Caliber 45, dahil sa taranta ay ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho hanggang sa bumangga sila sa puno ng mangga sa loob ng isang compound kung saan siya nakahingi ng tulong.

Dahil sa pamamaril ay nagtamo siya ng sugat sa ulo at kasalukuyang nasa Maynila para magpagaling at bilang pangangalaga na rin sa kaniyang seguridad.

Sa ngayon ay wala pa rin silang ideya kung ano ang motibo sa tangkang pagpatay sa kaniya.

Kung matatandaan, nagsagawa ng press conference ang Police Regional Office 2 sa pangunguna ni Regional Director Director Antonio Marallag kung saan iprinisinta ang mga narekober na armas mula sa dalawang suspek na nadakip sa hot pursuit operation ng PNP.

Kabilang sa mga nasamsam ang isang KG-9mm na may serial number, isang Caliber .45 na may serial number na may bala; isang magazine ng Caliber .45 na puno ng bala, fan knife, isang itim na gun holster, at ang ginamit nilang pickup truck.

Inihayag ni Regional Director Marallag na ang mga nadakip na suspek ay may kaugnayan sa kalabang partido ni SB member Candidate Tipon.