

CAUAYAN CITY – Nagluluksa ang pamahalaang bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya sa pagkasawi ng isang kasapi ng Sangguniang Bayan matapos mahulog sa sapa ang minamamehong Toyota Fortuner.
Ang biktima ay si SB Member Alfredo Tucpi II, 49-anyos, at residente ng Poblacion, Kasibu.
Siya ay nahalal noong nakaraang eleksiyon para sa ikatlong termino.
Pauwi na si SB Member Tucpi sa kanilang bahay mula sa Aritao, Nueva Vizcaya nang mahulog ang minamanehong sasakyan sa tulay sa Barangay Bua dakong alas-12:30 ng hatinggabi ng June 10, 2022.
Bumaligtad ang sasakyan matapos mahulog sa sapa at pinasok ng tubig.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg. Jefrey Binwag, investigator ng Kasibu Police Station, sinabi niya na isang binatilyo ang nakakita sa SUV na nakabaligtad sa creek .
Ipinabatid niya ito sa kaniyang ina na gumawa ng paraan para maiparating sa mga otoridad.
Isinugod si SB Member Tucpi sa Kasibu Municipal Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Agad namang inihayag ng pamahalaang lokal ng Kasibu ang padadalamhati sa pagkamatay ni SB Member Tucpi.




