--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang opisyal sa Luna, Isabela matapos magpositibo sa Entrapment Operation sa Barangay Bustamante.

Ang naaresto ay si Sangguniang Bayan member Bayani Agustin, 49-anyos, may asawa at residente ng Lalug 1, Luna, Isabela.

Nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang Shotgun Squires Bingham; isang Caliber 45 Armscor; 6 na bala ng 12 gauge shotgun; isang magazine ng Caliber 45 pistol; 7 bala ng caliber 45; isang holster na para sa Cal. 45 pistol; isang pouch; One Thousand peso bill na entrapment money; 27 piraso ng One-Thousand boodle money; isang SUV; at isang cellphone.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela, isinailalim sa inquest ang naturang SB member at nag-ugat ang kanyang pagkakahuli matapos may nagbigay ng impormasyon na magbebenta umano siya ng baril.

--Ads--

Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad at wala umanong maipakitang dokumento ang suspek.

Magsasagawa sila ng beripikasyon sa Regional Civil Security Unit kung may dokumento ang naturang mga baril.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng CIDG Isabela ang naturang SB member at nakatakdang isailalim ang mga baril sa ballistic examination.

Samantala, sinikap naman ng Bombo Radyo Cauayan na makakuha ng reaksyon sa punong bayan ng Luna, Isabela kaugnay sa pagkakahuli ng isa sa mga miyembro ng SB ng Luna subalit hindi muna nagbigay ng komento sa naturang insidente.

Sinisikap din ng Bombo Radyo na kunan ng pahayag ang kampo ng nahuling Sangguniang Bayan member.