Malugod na tinanggap ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang labag sa Konstitusyon ang Articles of Impeachment laban sa kanya.
Ayon sa kanyang defense team, pinagtibay ng ruling na ito ang limitasyon ng Saligang Batas laban sa pang-aabuso sa proseso ng impeachment.
Nilinaw rin ng kampo ni Duterte na handa silang sagutin ang mga akusasyon “sa tamang panahon at sa tamang forum.”
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, idineklarang labag sa Konstitusyon ang impeachment articles dahil nilabag nito ang “one-year bar rule” na nakasaad sa Article XI, Section 3, Paragraph 5 ng Konstitusyon, at lumabag rin ito sa karapatan sa due process. Ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting, walang hurisdiksyon ang Senado na ituloy ang impeachment trial.
Gayunman, giit ng Korte Suprema, hindi nito ina-abswelto si VP Duterte sa mga paratang. Anumang bagong reklamong impeachment ay maari lamang isampa simula Pebrero 6, 2026.
Ang desisyon ay kaugnay ng consolidated petition na inihain nina VP Duterte, Atty. Israelito Torreon, at iba pa upang ideklarang walang bisa ang impeachment articles.
Matatandaang inaprubahan ng Kamara ang impeachment kay Duterte noong Pebrero 5, kung saan mahigit 200 mambabatas ang sumuporta sa reklamo. Kabilang sa mga paratang laban sa Pangalawang Pangulo ay ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen.
Sa isinagawang impeachment proceedings, tumanggi si Duterte sa mga akusasyon at tinawag na “basurang papel” ang reklamo. Noong Hunyo, iginiit ng kanyang mga abogado na handa silang humarap sa mga paratang kung matutuloy ang paglilitis, ngunit dapat anila ay hindi ginagamit ang impeachment para gipitin ang mga kalaban sa politika.











