
CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Public Order and Safety Division (POSD) na mananatili pa rin ang orihinal na number coding scheme sa lunsod ng Cauayan hanggang wala pang kapasyaan ang Sangguniang Panglungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi niya na kung sakaling walang magiging kapasyaan ang konseho o pamahalaang lungsod kaugnay sa mungkahing rotation ng number coding sa mga tricycle ay ipapairal pa rin ang orihinal na coding sa lunsod.
Sa ilalim nito ay tanging mga body number na nagtatapos sa odd number o 1,3,5,7,9 ang papayagang makapamasada tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes habang 2,4,6,8,0 naman tuwing Martes Huwebes at Sabado.
Una rito ay iminungkahi ng ilang tricycle drivers na magkaroon ng rotation bawat buwan sa number coding dahil matumal ang pasada ng mga nagtatapos sa even number.
Ilang tricycle driver naman ang tumututol sa mungkahing ito dahil sa maaaring makapagdulot ng kalituhan sa mga namamasada.
Ayon sa POSD, magdedepende naman ang kapasyaan ng pamahalaang lunsod sa desisyon ng nakararaming tricycle drivers.
Una nang inihayag ni POSD Chief Malillin na maaaring bukas, katapusan ng Mayo, kasabay ng pag-aanunsyo sa panibagong quarantine classification ng lunsod ay posibleng maihayag din kung may pagbabago sa number coding scheme sa lunsod.
Mataandaan na noong Biyernes ay nakatakda sanang magpulong ang Committee on Transportation, POSD at mga TODA President ngunit hindi ito natuloy.
Dahil dito ay nababahala ngayon ang ilang tricycle drivers na baka sila ay maticketan pagsapit ng Hunyo kung sakali man na may biglaang pagbabago sa number coding sa lunsod ng Cauayan.










