--Ads--

Nagpapatupad ng scheduled power interruptions ang National Power Corporation (NAPOCOR) sa bayan ng Palanan, Isabela dahil sa kakulangan ng suplay ng diesel na ginagamit sa pagpapatakbo ng kanilang power generator.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong John Bert Neri, Assistant MDRRMO ng Palanan, sinabi niyang binawasan ng NAPOCOR ang operating hours ng kanilang generator set dahil ang Palanan ay umaasa lamang sa diesel engine para sa suplay ng kuryente.

Aniya, upang hindi tuluyang mawalan ng kuryente ang buong bayan sa loob ng 24 oras, hinati ng NAPOCOR ang oras ng operasyon kung saan mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ay mayroong power interruption.

Ayon sa kanya, hindi sana ipatutupad ang naturang hakbang kung hindi nagkaroon ng gale warning at no-sail policy na nagdulot ng pagkaantala sa pagdating ng diesel na supply sa bayan.

--Ads--

Bagama’t apektado ang ilang establisimyento dahil sa halos 12 oras lamang na may kuryente kada araw, nagpapatuloy pa rin ang operasyon sa bayan ng Palanan. Mayroon ding extra generator na nakahanda ang lokal na pamahalaan upang tugunan ang mga agarang pangangailangan.

Maroong  suplay naman ng gasolina ang mga gasoline station sa bayan, subalit karamihan sa mga ito ay small-scale lamang at hindi sapat upang masuportahan ang pangangailangan ng NAPOCOR para sa kanilang power generators.

Samantala, ayon sa pinakahuling update ng NAPOCOR, inaasahang makararating sa Palanan ang diesel supply mula Biyernes hanggang Sabado, kaya posible umanong bumalik sa normal ang operasyon ng kuryente sa Sabado o Linggo.

Tiniyak naman ng mga kinauukulan na may sapat na suplay ng kuryente ang mga paaralan, partikular ang mga college at high school sa Poblacion area ng bayan ng Palanan.