Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa pananambang kay Arlyn Alcebar, punong-guro ng Agriculture Elementary School sa bayan ng Midsayap, Cotabato nitong Martes ng umaga, Agosto 12, 2025.
Batay sa inisyal na ulat, sakay ng kanyang sasakyan si Alcebar at papasok na sa loob ng paaralan dakong alas-7:00 ng umaga nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek sa mismong tapat ng gate ng paaralan sa Barangay Agriculture.
Nagdulot ito ng matinding takot at pagkataranta sa mga guro, mag-aaral, at mga magulang na naghahatid ng kanilang mga anak.
Matapos ang insidente ng pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Kasalukuyan silang tinutugis ng Midsayap Municipal Police habang inaalam ang posibleng motibo sa krimen.
Samantala, mariing kinondena ng lokal na pamahalaan ang insidente at tiniyak ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa paligid ng mga paaralan upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong karahasan.
Source: via Bombo Radyo Koronadal





