Patuloy na isinasagawa ng Santiago City Police Office (SCPO) ang mas pinaigting na pagbabantay laban sa paggamit ng BOGA matapos makapagtala ng panibagong bilang ng mga kabataang nasasangkot sa paggamit nito.
Ayon kay PCOL. Lucio Simangan Jr., City Director ng SCPO, umabot na sa pitong kabataan ang nahuli ng kanilang mga personnel sa iba’t ibang barangay ng lungsod nitong mga nakalipas na linggo.
Pahayag ni Simangan, kadalasan ay pawang mga menor de edad na nasa pagitan ng 8 hanggang 15 taong gulang ang gumagamit ng BOGA, isang improvised noise device na karaniwang ginagamit sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan at bagong taon. Kinukumpiska nila ang mga BOGA at mahigpit na ipinauubaya sa mga magulang ang pagpapaalala at paggabay upang hindi na maulit ang naturang gawain.
Binigyang-diin pa ng opisyal na ang paggamit ng BOGA ay mahigpit na ipinagbabawal, hindi lamang dahil sa perwisyong dulot ng sobrang ingay, kundi dahil mataas ang panganib na maaaring idulot nito. Dahil improvised lamang ang karamihan sa mga ito, maaaring sumabog, magdulot ng malalang pinsala, at maging sanhi ng sunog o aksidente.
Dagdag pa ni Simangan, noong nakaraang taon ay nakapagtala ang SCPO ng ilang insidenteng may kaugnayan sa BOGA, kabilang na ang mga minor injuries at mga natamong pinsala sa kabahayan. Dahil dito, mas hinigpitan nila ang pag-iikot at monitoring ngayong papalapit ang holiday season upang maiwasan ang pagtaas muli ng ganitong insidente.
Hinimok din ng SCPO ang mga magulang at mga barangay officials na makipagtulungan sa kampanya kontra BOGA. Anila, malaking papel ang ginagampanan ng komunidad sa pagpapakalat ng impormasyon at pagdudulot ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga kabataan.
Sa kabila ng kasiyahan at saya ng nalalapit na Kapaskuhan, paalala ng kapulisan na pairalin ang responsableng pagdiriwang at umiwas sa paggamit ng anumang ipinagbabawal o delikadong pampaingay upang matiyak ang mapayapa at ligtas na pagsalubong sa darating na taon.











