CAUAYAN CITY- Hinihikayat ng City Health Office (CHO) 1 ang lahat ng residente sa Cauayan at mga karatig bayan na agad nang magpa Human Immunodeficiency Virus (HIV) Screening upang malaman ang status sa sakit.
Kaugnay ito sa pagdami ng HIV cases sa bansa na umabot na sa 148,831 na kaso ng sakit simula noong January 1984 hanggang March 2025.
Ramdam din sa Region 2 ang pagtaas ng kaso ng sakit na umabot na sa 2,393 diagnos simula noong 1984 hanggang April 2025.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Nurse 1 Delia Gonzalvo, Sexually Transmitted Infections – Human Immunodeficiency Virus (STI-HIV) Coordinator, sinabi niya na kada buwan na nadadagdagan ang kaso ng HIV na naitatala sa kanilang tanggapan.
Mula sa mahigit 20 na kaso ng sakit noong 2024, patuloy pa ang pagdami ng mga diagnosed sa naturang sakit sa kasalukuyang taon.
Aniya, marami na ang nahihikayat na magtungo sa City Health Office para magpa test dahil kampante ang taumbayan na confidential ang lahat ng records at pagkakakilanlan ng mga pasyente.
Kalimitan aniya sa mga mayroong HIV cases ay mga edad 14-25 na mga kababaihan, kalalakihan, o LGBTQ.
Kaugnay nito ay pinaaalalahanan naman ang publiko na agad makipag ugnayan sa mga STI-HIV coordinator upang magkaroon ng prevention at hindi na makapagkalat pa ng sakit na HIV.
Titiyakin naman aniya ng kanilang tanggapan na hindi maisasapubliko ang mga pagkakakilanlan ng mga magpapa HIV screening dahil posible silang masampahan ng kaso kung ipagkakalat nila ang mga impormasyon.







