Nadepensahan ng School’s Division Office o SDO Cagayan ang ranggo nito sa Regional Schools Press Conference o RSPC matapos nilang muling makuha ang kampeonato ngayong taong 2025.
Ito na ang pangatlong sunud-sunod na taon na itinanghal na overall champion ang lalawigan.
Ginanap ang RSPC 2025 sa lungsod ng Cauayan mula Abril 6-9, 2025.
Nakuha naman ng SDO Isabela ang 1st place; 2nd place ang SDO Tuguegarao City; 3rd place ang Quirino at 4th place naman ang host na SDO Cauayan City.
Overall Champion ang Cagayan sa Publication, Individual at Group contests na highlight ang Broadcasting kung saan naiuwi ng lalawigan ang kampeonato.
Naiuwi ng SDO Cagayan ang kampeonato sa Radio Broadcasting – Elementary level – english category habang ang SDO Isabela naman ang nag-uwi ng kampeonato sa Filipino category.
Nakuha rin ng SDO Cagayan ang kampeonato sa Radio Broadcasting Secondary level maging sa Television Broadcasting English category habang naiuwi naman ng SDO Cauayan ang Filipino Category.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay School’s Division Superintendent Reynante Caliguiran ng SDO Cagayan, sinabi niya na kumpiyansa sila na muling maiuwi ang karangalan ngayong taon dahil sa puspusang paghahanda ng kanilang mga student journalist.
Ipinagkatiwala aniya ng SDO sa isang batikang mamamahayag ang training sa mga estudyante at hindi naman sila nabigo.
Tiniyak naman ng tanggapan na mas bibigyan pa nila ng suporta ang mga student journalist lalo na ang mga magrerepresenta ng Region 2 sa National Schools Press Conference o NSPC.
Dagdag pa ni SDS Caliguiran, hinding hindi magpapatalo ang Cagayan pagdating sa Broadcasting dahil sila rin ang kampeon noong nakalipas na taon.
Samantala, handang handa naman ang mga student journalist na ipanalo at itaas ang bandera ng Region 2 sa NSPC.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angelo Rumbaoa, tinanghal na best anchor sa broadcasting, sinabi niya na bagamat ito ang unang beses na siya ay sumali at nanalo ay handa naman umano siyang makipagsabayan sa mga datihan nang student journalist.
Ipagpapatuloy umano niya ang kanyang pag-eensayo bilang isang news anchor.