--Ads--

Aminado ang Schools Division Office (SDO) Cauayan City na may mga mag-aaral na nakakapagtapos ng elementarya ngunit hirap pa ring bumasa o hindi pa marunong bumasa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Gemma Balla ng SDO Cauayan, sinabi niyang nagsagawa sila ng assessment sa mga Grade 7 students at lumabas na may ilan pa ring nagtapos ng elementarya na may mababang kasanayan sa pagbasa.

Ayon kay Balla, malaking pagkadismaya ito para sa Kagawaran ng Edukasyon dahil ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mapaunlad ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral.

Aniya, mababa pa rin ang reading literacy sa lungsod at nakalulungkot na may mga mag-aaral pa ring tinatawag na non-decoders o yaong hindi pa marunong magbasa ng maayos.

--Ads--

Bagaman hindi siya nagbigay ng eksaktong datos kung ilang porsyento o bilang ng mga mag-aaral ang nahihirapan sa pagbasa, inamin niyang marami pa rin sa mga Grade 7 ngayon ang hindi lamang hirap bumasa, kundi nahihirapan ding unawain ang konteksto ng kanilang binabasa.

Sa darating na Setyembre, nakatakdang isagawa ang Educators Summit upang talakayin ang bagong batas na Republic Act 12028 o Aral Program. Layunin nitong magpatupad ng mga interbensyon upang mapabuti ang mababang antas ng edukasyon, lalo na sa aspeto ng pagbasa.

Bilang unang hakbang, ipatutupad ang Aral Reading Program mula Kinder hanggang Grade 10 upang matiyak na walang mag-aaral ang makakapagtapos ng pag-aaral na hirap pa ring bumasa.