--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City ang mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan at health protocols sa mga billeting quarters ng mga delegado sa Regional Invitational Sporting Events o DepEd Dos RISE 2022.

Ang DepEd Dos RISE 2022 ay magsisimula ngayong araw at magtatapos sa April 28.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City na hanggang noong Sabado, mula sa siyam na delegasyon sa ikalawang rehiyon ay dumating na ang walo na pinangunahan ng Cagayan, Ilagan, Nueva Vizcaya, Batanes habang ang Isabela ay kahapon, araw ng linggo dumating.

Sa Cauayan City National High School tumuloy ang mga delegasyon ng Nueva Vizcaya at Quirino kasama na rin ang mga Regional Games and Management at officiating officials habang sa Cauayan North Central School ay ang delegasyon ng Santiago City.

--Ads--

Sa Cauayan South Central School ay ang mga delegasyon ng Tuguegarao City at Batanes at sa Sillawit Elementary at High School ay ang delegasyon ng lunsod ng Ilagan.

Sa West Central School kasama na ang Research Extension sa National High School ay ang delegasyon ng Cagayan.

Mayroon din sa Alicaocao Elementary School, Cabaruan Extension at Doña Pacita Elementary School.

Walo hanggang sampung atleta ang magkakasama sa isang room gayundin sa mga trainer, coaches at officiating officials para masunod pa rin ang mga health protocols.

Aniya, mahigpit ang medical team sa bawat delegasyon at walang makakapasok na vendor o outsiders sa mga billeting quarters.

Ayon kay Dr. Gumaru, pinakamarami ang Cagayan at Isabela pero hindi rin nagpapahuli ang iba dahil kumpleto rin ang kanilang delegasyon.

Bukas naman ang sports complex para sa mga gustong manood subalit magbaon lamang ng pasensya dahil mahigpit ang ipapatupad na panuntunan tulad ng pagdadala ng vaccination card at pagsunod sa social distancing.

Kung hindi makapunta ay puwedeng manood online.

Alas kuwatro ngayong hapon ang opening program pero ngayong umaga pa lang ay mayroon nang mga isasagawang laro.

Samantala, sisikapin ng delegasyon ng SDO Cauayan City na manguna sa  DepEd Dos RISE 2022.

Ayon kay Dr. Gumaru, puspusan ang naging paghahanda ng mga atleta sa lunsod at may mga national trainers silang inupahan para maiba ang estratehiya ng mga atleta sa kani-kanilang mga event.