CAUAYAN CITY – Nakahanda na ang mga guro magsisilbi para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni DR. CHERRY RAMOS, superintendent ng Schools Division Office o SDO Cauayan City na dumaan sa pagsasanay at pag-unawa sa mga guidelines na kanilang ipapatupad para sa darating na halalan ang mahigit isang libong electoral board na magsisilbi sa halalan sa lunsod.
Nakasama rin sila sa Security Command Coordinating meeting dahil kabilang din sila sa ipapatupad na seguridad para sa halalan.
Magtatalaga rin sila ng Division Election Task Force na gagabay sa mga issues at concerns sa lahat ng magsisilbi sa halalan na mga guro.
Ayon kay DR. RAMOS, wala naman silang naitatala na sumasama sa pangangampanya na kanilang mga guro sa SDO Cauayan City.
Paalala nila sa lahat na sana ay magkaroon ng mapayapa at maayos na halalan sa ikatatlumpo ng Oktubre sa lunsod ng Cauayan.
Samantala, sa ikatatlumpu’t isa ng Oktubre at ikatatlo ng Nobyembre ay gagamit sila ng alternative delivery mode of learning o online modular learning at wala munang face to face classes.