CAUAYAN CITY- Naghahanda na ngayon bilang host sa Regional Kick-Off Program ng Brigada Eskwela 2025 ang Schools Division Office ng Cauayan pangunahin na ang Cauayan City Stand Alone Senior High School.
Gaganapin ang naturang programa sa Lunes, ika-9 ng buwan ng Hunyo sa nasabing paaralan.
Aasahan naman ang mga bisita mula sa 9 na Schools Division Office sa Rehiyon 2 na makikiisa sa programa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, sinabi niya na makakasama sa programa ang SDO Isabela, Quirino, Batanes, Nueva Vizcaya, Cagayan, Cauayan, Santiago, Ilagan, at Tuguegarao.
Ilan sa mga aktibidad na isasagawa sa programa ay ang motorcade at tree planting activity na personal na dadaluhan ng mga Schools Division Superintendent.
Tataniman naman ng punong kahoy ang bisinidad ng Cauayan City Stand Alone Senior High School upang mayroong sasalba sa mga estudyante sa matinding init ng panahon na nararanasan.
Ayon pa kay Dr. Mina, bagaman regional kick-off program ay hindi nangangahulugan na tanging ang mga kawani ng Schools Division Office at mga kaguruan lamang ang pupunta, dapat din aniya na makiisa sa brigada eskwela ang lahat ng estudyante at mga magulang.











