--Ads--

Inilunsad ng Schools Division Office (SDO) Cauayan ang Incident Monitoring Report System (IMRS), isang bagong mobile-based application mula sa Department of Education Central Office na naglalayong pabilisin ang pag-uulat ng pinsala sa mga paaralan tuwing may kalamidad o insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joel De Leon, Project Development Officer II at DRRM Division Coordinator ng SDO Cauayan City, sinabi niyang pinalitan ng IMRS ang dating RADAR o Rapid Assessment of Damage Report, na mas matagal bago makarating sa Central Office ang datos.

Sa bagong sistema, maaaring magsumite ang mga paaralan ng ulat hinggil sa mga pinsala sa gusali, kagamitan, at iba pang school properties, pati na rin ang bilang ng mga apektadong mag-aaral, guro, at non-teaching personnel, gamit lamang ang kanilang cellphone.

Ipinamahagi na ng SDO Cauayan City ang mga QR code sa lahat ng paaralan upang agad na ma-access ang sistema.

--Ads--

Ilang paaralan na rin ang nakapagpasa ng minor at major damage reports, kabilang ang mga nasirang muwebles at kagamitan, na awtomatikong naitatala at naipapadala sa Central Office.

Tiniyak ng SDO Cauayan City na malaking tulong ang IMRS sa real-time reporting at mas mabilis na pagresponde sa pangangailangan ng mga paaralang apektado ng sakuna.