CAUAYAN CITY – Nakahanda na ang Schools Division Office o SDO Isabela para sa Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA 2024 na gaganapin mula ikadalawampu’t anim hanggang ikatatlumpo ng Abril sa lungsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni DR. Rachel Llana, Schools Division Superintendent ng SDO Isabela na handang-handa na ang SDO Isabela team para sa CAVRAA 2024.
Aniya, may 521 atleta ang SDO Isabela at 109 na coaches, trainers, chaperone at officiating officials.
Puntirya nila ngayong taon na muling makuha ng Isabela ang kampeonato matapos ang paghamon sa kanila ng Regional Director ng DepEd Region 2 na si Dr. Benjamin Paragas noong provincial meet ng Isabela na muling magkampeon sa CAVRAA 2024.
Inaasahan nilang makakarami ang Isabela ng gold sa athletics at team events tulad noong nakaraang taon.
Tiniyak naman ni Dr. Llana na inihahanda nila ang katawan ng mga atleta sa mainit na panahon tulad na lamang ng pagkakaroon ng sapat na bitamina at water therapy.
May dalawang atleta naman sila sa basketball at taekwondo na nagkaproblema kaya kinailangan nilang palitan.











