CAUAYAN CITY – Hinikayat ng Schools Division Office (SDO) Isabela ang mga magulang na isailalim sa early registration ang kanilang mga anak na papasok na Kinder, Grade 1, Grade 7 at Grade 11 para sa School Year 2023-2024.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Timoteo Bahiwal, Planning Officer 3 ng SDO Isabela na ang mga magpapa-enroll sa Kinder ay dapat dalhin ng kanilang mga magulang o guardian ang kanilang birth certificate at mag-fill up ng enrollment form.
Ang nasa Grade 2 hanggang Grade 6, Grade 8 hanggang Grade 10 at Grade 12 ay maituturing nang pre-registered
Para sa mga paaralang magsisimula ng klase sa Hunyo, ang mga mag-aaral ng Kindergarten ay dapat na 5-anyos bago ang unang araw ng Hunyo at may extension hanggang August 31.
Para sa mga paaralang magsisimula ang pag-aaral sa Agosto, ang mga nag-aaral ng Kindergarten ay dapat na 5-anyos sa unang araw ng Agosto at may extension ng hanggang October 31.
Layunin ng taunang maagang pagpapa-enroll o pagpapatala ng mga mag-aaral na mabigyan ng pagkakataon ang DepEd na makapagsagawa ng kaukulang paghahanda at adjustment sa kanilang mga plano para sa susunod na School Year.
Sinabi pa ni Bahiwal na aabot sa 86,000 ang puntirya nilang sasailalim sa early regsitration at hanggang kahapon na pangalawang araw ng registration ay aabot na sa 1,144 ang nakapag-enroll.