Inihahanda na ng Schools Division Office (SDO) Isabela ang pagsasagawa school-based training na nakatakdang isagawa sa buwan ng enero bilang bahagi ng kanilang mas maagang paghahanda para sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2026.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Ginoong Manolo Bagunu, Division Sports Officer ng SDO Isabela, sinabi nito na mahigit 600 na atleta ang sasailalim sa pagsasanay, kasama ang higit 200 coaches at sports officials, na magpapataas sa bilang ng mga delegado sa humigit-kumulang 800 na kalahok
Ipinaliwanag ni Bagunu na ang Enero ay nakalaan para sa scheduled training ng bawat koponan, samantalang ang buong buwan ng Pebrero ay ilalaan para sa masinsinang division in-house training, na magsisilbing pinal na paghahanda bago ang naturang event.
Dagdag pa niya, ang sistema ng training ay hahatiin sa dalawang grupo
Ang team events, kung saan karamihan sa mga atleta ay mula sa iisang paaralan, ay magsasagawa ng regular na training sa kani-kanilang schools, habang ang Individual events naman na binubuo ng mga atletang mula sa iba’t ibang paaralan at legislative districts, ay pansamantalang imo-monitor ng kani-kanilang school coaches bago silang pagsamahin sa division in house training sa Pebrero.
Matatandaang matagumpay na idinaos ang Isabela Provincial Athletics Association (ISPAA) noong Disyembre 3–6 sa Quirino, Isabela, kung saan tinatayang 4,500 ang lumahok sa nabanggit na event.
Sa naturang palaro, muling napanatili ng Legislative District III ang titulong overall champion, sinundan ng LD I bilang first runner-up, at LD V bilang 2nd runner up.
Binigyang-diin ni Bagunu na mahalagang mapanatili ang momentum ng SDO Isabela bilang overall champion sa loob ng dalawang magkasunod na taon, kaya mas pinaigting ang preparasyon para sa CAVRAA 2026.
Nananawagan naman ang SDO Isabela ng patuloy na suporta mula sa mga paaralan, magulang, at lokal na pamahalaan upang maisulong ang kanilang layunin na makapagpadala ng isang higit na mas malakas at kompetitibong delegasyon sa darating na CAVRAA.











