--Ads--

CAUAYAN CITY – Makalipas ng labing apat na taon ay muling naiuwi ng Schools Division Office Isabela ang kampeonato sa pagtatapos ng CaVRAA Meet 2024.

Ito ay matapos makasungkit ang lalawigan ng 114 gold, 101 silver at 112 bronze medals.

Pumangalawa naman ang Nueva Vizcaya matapos makaipon ng 86 gold, 83 silver at 93 bronze medal na sinundan ng Cagayan na may 63 gold, 91 silver at 88 bronze medals.

Pang-apat ang Santiago City na may 63 gold, 48 silver at 64 bronze medal na sinundan ng Quirino na nagtala ng 38 gold, 48 silver at 45 bronze medals.

--Ads--

Pumang-anim naman ang Cauayan City na nagtala ng 28 gold, 25 silver at 27 bronze medal na sinundan ng City of Ilagan na nagtala ng 26 gold, 29 silver at 63 bronze medal habang ang Batanes ay nagtala ng 7 gold, 8 silver at 5 bronze medals.

Huling nagkampeon ang lalawigan ng Isabela noong 2010, o labing-apat na taon na ang nakalipas.

Maliban sa pagiging overall champion ay nakuha rin ng SDO Isabela ang kampeonato para sa elementary at secondary division.

Ang impresibong performance ng mga atleta ng SDO Isabela ay dahil sa pinaglaanan at pinaghusayan nila ng husto ang kanilang pagsasanay.

Samantala nakuha rin ng SDO Isabela ang unang pwesto para sa Paragames habang naiuwi naman ng SDO Nueva Vizcaya ang kampeonato.

Tumanggap naman ng special award ang SDO Batanes bilang most disciplined athletes habang most friendly naman ang SDO City of Ilagan.

Aminado naman ang SDO Cagayan sa kanilang mga pagkukulang para mabigo silang depensahan ang kanilang titulo at makuha ang back to back championship ngayong taon.

Ayon kay Coach Emmanuel Bala ng SDO Cagayan, kahit pa hindi nila nadepensahan ang titulo ay masaya silang nagtapos bilang 3rd runner up dahil naging maganda naman ang ipinakitang laro ng kanilang mga atleta.

Aniya, halos tatlong linggo lamang silang nagsanay gayunman ay nagawa parin nilang humakot ng gintong medalya.

Ibinuhos ng kanilang mga atleta ang lahat ng kanilang makakaya para makasiguro ng ticket sa Palarong Pambansa.

Kaugnay nito, naging pahirapan naman para sa Division ng Batanes ang CAVRAA meet 2024 dahil sa matinding init ng panahon.

Ayon kay Coach John Paul Zapala na isa ito sa mga dahilan kung bakit nahirapang mag adjust ang kanilang mga atleta sa klima sa Isabela.

Siniguro naman niya na mapaghandaan ang pagsabak ng kanilang mga atletang kwalipikado sa Palarong Pambansa.

Kakaibang karaasan naman ang babaunin ng delegasyon ng Quirino dahil sa naging adjustment sa schedule ng sporting events ng CAVRAA meet 2024 dahil ito ang unang pagkakataong naglaro sila ng madaling araw.

Ang adjustment ng mga event schedule ay ginawa upang maiwasang maexpose sa matinding init ng araw ang mga atleta.

Labis namang nagagalak si Ginoong Rodante Nadal Athletics Manager ng SDO Quirino, dahil kahit papaano ay nakita nila ang improvement ng kanilang mga atleta.

Aniya nagawa nilang madagdagan ang bilang ng kanilang mga medalya dahilan para pagtapos sila sa ikaanim na pwesto.

Hindi naman mapigilang malungkot ng ilang mga atleta dahil kahit humakot ng medalya ay may ilang hindi pinalad para makwalipika sa Palarong Pambansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rodmar Pulido Gold Medalist mula sa Santiago City, sinabi niya na hindi siya lubos na nasiyahan dahil hindi siya nakwalipika sa palarong pmabansa.

Aniya, sumobra siya ng tatlong segundo sa 5,000 meter run at 1,500 meter run na kapwa nakasungkit siya ng dalawang gintong medalya ngunit kinapos pa rin para sa Palarong Pambansa.

Susubukan naman aniya ng kaniyang mga Coach na iapela sa Deped ang kaniyang oras subalit hindi pa tiyak kung sila ba ay mapagbibigyan.

Samantala, naging maganda naman ang performance ng City of Ilagan Athletics team matapos nilang madoble ang bilang ng kanilang medalya ngayong taon.

Inihayag ni Coach Abegail Laggui ng City of Ilagan, nag improve ang knailang team para sa secondary girls dahil sa nadagdagan ang nahakot nilang gintong medalya.

Maliban sa athletics secodary girls ay nagawa rin nilang humakot ng medalya sa iba pang sporting events.