--Ads--

CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng School’s Division Office Isabela ang naging resulta ng mga ginawa nilang pagbabago sa mga nakalipas na taon upang makamit ang kanilang mga tagumpay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Superintendent Dr. Rachel Llana ng SDO Isabela sinabi niya sa nakalipas na Cagayan Valley Regional Athletics Association o CaVRAA at Regional Festival of Talents at iba pang aktibidad o kompetisyon ay nangunguna ang SDO Isabela.

Bilang Superintendent ay siya ang pinakamasaya at proud sa mga achievement ng mga eskwelahan sa mga kakatapos lamang na aktibidad.

Pinasalamatan naman niya ang lahat ng nagsumikap at nagtulung-tulong upang makamit ng SDO Isabela ang unang pwesto.

--Ads--

Noong nakaraang taon aniya ay bumuo sila ng komite na nakapokus sa goal ng tanggapan at strategic planning sa naging suliranin sa mga nakaraan nilang engagement para ito ay maisaayos na naging positibo naman ang resulta batay sa kanilang assessment.

Isa rin sa nakikita nilang rason ng pag-angat ng SDO Isabela ang pagtatalaga ng mga tamang tao sa tamang gawain na nakapagbigay naman ng magandang resulta.

Bagamat naging unti-unti ang ginawa nilang pagbabago sa sistema ay nakitaan naman nila ito ng malaking epekto lalo na ngayong taon kung saan sila ang kampeon sa CAVRAA Meet 2024 at nadepensahan din nila ang kanilang pwesto sa Regional Festival of Talents o RFOT.

Tiniyak naman ni Dr. Llana ang patuloy na pagtutok nila sa mga mag-aaral na inaasahang sasabak sa mga susunod pang kompetisyon lalo na sa Palarong Pambansa sa buwan ng Hulyo.