--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Schools Division Office (SDO) Isabela na hindi maaapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante sa Doña Aurora National High School, Sta. Rita Campus sa Aurora, Isabela matapos na masunog ang kanilang school building.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Rachel Llana, Schools Division Superintendent ng SDO Isabela na ang mga estudyanteng gumagamit sa nasunog na building ay pansamantalang sumasailalim sa blended learning modality at inaayos pa ang ibang bahagi ng paaralan na pwede nilang gamitin sa kanilang pag-aaral.

Aniya, anim na classroom ang nasunog at mayroon ding office.

Nabasa rin ang mga gamit nang apulain ang sunog tulad ng mga dokumento.

--Ads--

Nagpapasalamat na lamang sila dahil naganap ito ng gabi kaya walang naitalang casualty.

Sa ngayon ay patuloy pa ring iniimbestigasyon ng Bureau of Fire Protection ang pangyayari para malaman kung ano ang naging dahilan ng sunog.

Ayon kay Dr. Llana, i-aassess pa ang building kung pwede pa itong gamitin o di kaya ay tanggalin na at palitan na ng bago.

Magsilbi sana aniya itong paalala sa lahat ng mga paaralan na sundin ang mga itinatalaga ng kaukulang ahensya tulad ng Bureau of Fire Protection para makaiwas sa ganitong klase ng insidente.

Nanawagan siya sa mga guro at principlas na panatilihin ang pagpapatupad ng safety plan at sa mga mag-aaral ay sumunod din sa regulasyon patungkol sa elektrisidad.

Tinig ni Dr. Rachel Llana.