--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy pa ring sinsiyasat ng Schools Division Office o SDO Santiago City ang pagpapatiwakal ng isang Grade 9 Student dahil sa hindi umano nasagutang modules.

Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang pagpapakamatay ni Alyas William, 14 anyos, Grade- 9 Student sa Santiago City National High School at residente ng Barangay Rosario, Santiago City.

Nauna rito ay natagpuan ng kanyang lolo ang binatilyo na nakabitin at patay na sa kusina ng kanilang bahay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Ramos, Schools Division Superintendent ng SDO Santiago City, ipinaabot niya ang pakikiramay ng kanilang tanggapan sa naiwang pamilya ng mag-aaral.

--Ads--

Kaugnay aniya sa sinasabi ng magulang ng mag-aaral na nahihirapan siya sa blended learning ay inilatag naman nila ang ilang pamamaraan para mapadali ang ugnayan ng mga magulang, estudyante at guro.

Kabilang na ang pakikipag-ugnayan ng eskwelahan sa bawat barangay, pagtatalaga ng knowledge barrier na magsisilbing tagapag-abot ng impormasyon at module sa guro at estudyante.

Sa kasalukuyan ay blended learning ang ginagamit na paraan ng pagtuturo sa eskwelahan kung saan naka-enroll ang binatilyo na kinabibilangan ng Modular at Online.

Gayunman ay limitado lamang ang Online Class dahil maaring hindi lahat ay mayroong internet.

Ayon kay Dr. Ramos, nalalaman ng mga guro na maaring may problema sa kagamitan o ilan pang aspeto ang isang estudyante sa pamamagitan ng Knowledge Barrier.

Binibigay lamang sa mga mag-aaral sa Santiago City ang kung ano ang kanilang kaya at kapasidad para hindi pahirapan ang mga estudyante sa paggamit ng module.

May mga psychosocial interventions din aniyang isinasagawa ng kanilang tanggapan para mapigilan ang mga ganitong pangyayari at nang madaling makapag-adjust ang mga mag-aaral at magulang dahil sa pandemya o new normal.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Cherry Ramos, Schools Division Superintendent ng SDO Santiago City

Sinubukan namang makunan ng pahayag ng Bombo Radyo Cauayan ang pamunuan ng Santiago City National High School at ang guro ng mag-aaral ngunit hindi nagbigay ng anumang paliwanag dahil hinihintay pa nila ang opisyal na pahayag ng DepEd Region 2.