
CAUAYAN CITY – Umaasa ang Schools Division Office Santiago na maisasagawa na ang Face to Face Classes sa Lungsod kasunod ng pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Jonathan Fronda, Assistant Schools Division Superintendent ng SDO Santiago City, sinabi niya na dahil naudlot ang pagsasagawa ng Face to Face Classes halos isang buwan na ang nakakalipas, umaasa pa rin sila maisasakatuparan ngayong buwan.
Ayon kay Dr. Fronda, naghahanda ngayon ang dalawang paaralang inaasahang pagsasagawaan ng face to face classes.
Nakadepende naman ang dami ng mga mapapahintulutang paaralan sa desisyon at kaso ng Covid 19 sa barangay.
Hinimok pa niya ang mga guro at mga mag-aaral na magpabakuna na kontra COVID-19.
Para sa mga gurong hindi magpapabakuna ay kailangang makapagsumite ng Negative RT PCR Test Result sa loob ng dalawang linggo na may layuning mapanatili ang proteksyon sa kanilang tanggapan.
Nasa apatnapung Faculty at Staff ang hindi nabakunahan kontra COVID-19 sa SDO at sa ngayon ay wala namang nagpopositibo sa Covid19 sa kanila.










