Nagtalaga ng nasa anim na libong National Guard Troops ang Estados Unidos para sa search and rescue operations sa mga indibidwal na naapektuhan ng Hurricane Helene sa ilang mga lugar sa Estados Unidos.
Kabilang sa mga lubhang naapektuhan ng Hurricane Helene ang Florida, South Carolina, North Carolina, Tennessee at Virginia kung saan umabot na sa mahigit isandaang indibidwal ang naiulat na nasawi habang patuloy namang pinaghahanap ang iba pa.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito na maaari pang madagdagan ang bilang ng mga nasawi dahil sa patuloy na search operations ng mga awtoridad.
Maraming mga syudad sa mga nabanggit na states ang nawalan ng linya ng komyunikasyon, walang tustos ng kuryente at tubig kung saan pahirapan din ang pagtugon ng mga humanitarian aide dahil sa hindi passable ang ilang mga daanan.
Dahil dito ay nag-deploy na rin si US President Joe Biden ng Federal Emergency Management Association para sa karagdagang Humanitarian Assistance.
May mga Pilipino rin umano na naapektuhan ng Hurricane Helene ngunit patuloy naman aniya ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embasy sa Estados Unidos para masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino roon.