Patuloy na pinapangalagaan ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) ang seguridad sa lalawigan ng Isabela, kabilang ang mga paaralan at pangunahing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman Ysmael Atienza Sr. ng IACTF, sinabi niyang kahit limitado ang kanilang tauhan, sinisigurado ng task force na naaaksyunan ang lahat ng ulat ng krimen.
Binibigyan nila ng pansin ang mga kaso ng anti-bullying sa mga paaralan at iba pang insidente, at pinapalakas ang monitoring sa mga estudyante upang maiwasan ang mga di kanais-nais na gawain.
Payo rin ng opisyal sa publiko na maging maingat lalo na sa panahon ng Holy Week at summer vacation.
Sa ganitong panahon, mas maraming tao ang naglalakbay kaya may potensyal na tumaas ang mga kaso ng panloloob, salisi, at iba pang uri ng krimen. Pinapayuhan ang mga residente na bantayan ang kanilang mga ari-arian at maging mapagmatyag sa kapaligiran.
Kasama ang lokal na pulisya at iba pang katuwang na grupo, minomonitor ng IACTF ang mga insidente at pinapalakas ang police visibility sa mga pangunahing kanto at bayan.
Ayon pa kay Chairman Atienza, mahalaga ang presensya ng mga pulis upang mapigil ang mga posibleng gumawa ng krimen, at umaasa silang mababawasan o mawawala na ang ganitong insidente sa hinaharap.
Samanatala, wala namang malaking pagbabago sa bilang ng mga krimen kumpara sa parehong quarter ng 2025, subalit tiniyak pa rin ng IACTF na patuloy ang kanilang preventive measures upang mapanatili ang kaligtasan ng lalawigan.











