--Ads--

Dinakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isang security guard matapos itong magbenta ng ipinagbabawal na gamot sa Cabaruan Cauayan City.

Isinagawa ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station, Drug Enforcement Unit katuwang ang PDEA Region 2 ang buy operation laban sa pinaghihinalaan na isang apatnaput isang taong gulang na security guard at residente ng Brgy. Estrella San Mateo Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Ernesto Nebalasca Jr. Hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na nadakip ang suspek matapos nitong mabentahan ng hinihinalang shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.

Nasamsam din sa kanyang pag-iingat ang labinlimang pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng labimpitong libong piso at ilang piraso ng bala ng baril.

--Ads--

Inihayag naman ng suspek na ito ang unang pagkakataon na siya ay nagbenta ng ipinagbabawal na gamot sa lungsod ng Cauayan.

Aniya sa bahagi ng Cabatuan Isabela siya nagbebenta ng droga dahil dito rin siya nagtatrabaho bilang security guard.

Inihayag naman ni PLtCol. Nebalasca na matagal nilang minanmanan ang operasyon ng suspek na unang nadiskubre ang pagbebenta nito sa Luna Isabela at nang magkaroon ng transaksyon sa lungsod ay agad silang nagsagawa ng buybust operation laban sa kanya.

Sa ngayon inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa Omnibus Election Code laban sa pinaghihinalaan na nakapiit na sa  lock up cell ng Cauayan City Police Station.