Halos lahat ng komite sa Senado ay inalisan na ng membership si Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa matagal na panahon ng hindi pagdalo.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, maghahalal na ng kapalit ang Senado para sa lahat ng komite kung saan miyembro si Dela Rosa.
Paliwanag ng senador, ito ay alinsunod sa Rule 11, Section 23 ng Senado, na nagsasaad na ang isang mambabatas ay maaaring tanggalin sa komite kung matagal na siyang hindi pumapasok o limang beses nang hindi dumalo sa mga committee hearings nang walang maayos na paliwanag.
Kung ang isang komite naman ay hindi nagdaraos ng meeting o hearing, maaaring manatiling miyembro si Dela Rosa.
Kabilang sa mga komite na inalisan at pinalitan si Dela Rosa ngayong buwan ang Blue Ribbon Committee at Ethics and Privileges Committee.
Matatandaang mula pa noong Nobyembre ay hindi na lumalabas at pumapasok sa Senado si Sen. Bato, kasunod ng balitang may inilabas na arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).











