Iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano ang posibilidad ng pagdaraos ng snap elections para sa mga pangunahing posisyon sa gobyerno kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga senador, at mga kongresista bilang tugon sa lumalalim umanong krisis sa tiwala ng publiko sa pambansang pamahalaan.
Sa isang pahayag sa kanyang Facebook page nitong weekend, iginiit ni Cayetano na kahit may mga nananatiling tagasuporta ang ilang pulitiko, “ngayon higit kailanman, marami sa kanila ay tinitingnan na bilang mga ‘suspek’ sa mata ng taumbayan.”
Ayon pa sa senador, ang tunay na pagbabago ay kailangang magsimula sa radikal na katapatan at sa lakas ng loob na tanggapin kung kailan nararapat ang pagbibitiw sa puwesto.
Ang mungkahing ito ay kasabay ng pag-init ng mga imbestigasyon sa isyu ng korapsyon sa flood control projects. Sa isang pahayag, inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umaabot sa 20% ng P545-bilyong pondo ay napunta lamang sa 15 kontratista, bagay na kanyang tinawag na “nakababahala.”
Kaugnay nito, nangako ang pangulo na papanagutin ang mga sangkot at nagsasagawa na rin ng magkahiwalay na imbestigasyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso, habang binuo naman ang Independent Commission for Infrastructure upang masusing tutukan ang naturang isyu.











