Dalawang miyembro ng minorya ang ipinalit kina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Joel Villanueva sa Senate Committee on Ethics and Privileges, ayon sa plenary session ng Senado nitong Martes.
Sa naturang sesyon, inihain ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang mosyon na italaga sina Senadora Imee Marcos at Senador Rodante Marcoleta bilang kapalit nina Dela Rosa at Villanueva.
Agad namang inaprubahan ang mosyon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nang walang pagtutol mula sa mga kasamahan.
Si Dela Rosa ay hindi na dumadalo sa mga sesyon ng Senado mula nang ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas umano ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng papel niya sa madugong kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte. Samantala, si Villanueva ay nahaharap sa mga reklamong may kinalaman sa umano’y ghost flood control projects.
Noong Lunes, natapos na ng Senado ang pagbubuo ng komposisyon ng Ethics Committee matapos maghalal ng karagdagang mga miyembro.
Ang komite ay pangunahing may tungkulin sa mga usapin kaugnay ng asal, karapatan, pribilehiyo, kaligtasan, dangal, integridad, at reputasyon ng Senado at ng mga miyembro nito.







