--Ads--

Binuwag ni Senator Imee R. Marcos ang pahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa umano’y budget “wishlist” niya, iginiit na ang mga proyektong binanggit ay hindi kailanman na-fund at nanatiling proposals lamang na isinumite sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Sen. Marcos, lahat ng proyekto ng oposisyon, kabilang ang sa kanya, ay naka-classify bilang for later release (FLR) kaya walang pondo ang nailabas. Kasama rin sa listahan sina Senator Bong Go, Senator Bato dela Rosa, at Senator Robin Padilla. Tinanggihan niya ang anumang implikasyon na may impluwensya siya sa alokasyon ng administrasyon at iginiit na hindi siya ang abogada ng Malacañang.

Aniya rin, tila naging personal ang atake ni Lacson, na sobra ang gigil sa kanya, at nagbiro na siguradong matatalo siya kung lalabanan niya ito.

Noong nakaraang linggo, ibinahagi ni Lacson na may P2.5 bilyong “allocables” na umano’y naka-link kay Imee sa 2025 National Expenditure Program (NEP). Binanggit niya ito kasabay ng pagtuligsa sa umano’y pork barrel items sa proposed 2026 national budget at katahimikan ni Marcos sa bicameral conference deliberations.

--Ads--