--Ads--

Naglabas na ng preliminary findings ang Senate Committee on Foreign Relations patungkol sa imbestigasyon sa ginawang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang-diin ni Foreign Relations Chairperson Imee Marcos na walang legal na obligasyon ang Pilipinas para arestuhin si dating Pangulong Duterte at i-turn over ito sa ICC.

Tinukoy ni Sen. Marcos na walang red notice mula sa INTERPOL kaugnay sa ICC warrant of arrest at ang dumating ay diffusion lamang na hindi verified ng interpol secretariat at walang request mula sa ICC para sa extradition o pag-surrender kay Duterte.

Ikalawa ay nagdesisyon talaga ang pamahalaan na tumulong sa ICC at walang katotohanan ang pinalalabas na biglaan ang pagdakip kay Duterte.

--Ads--

Bago aniya ang araw ng pag-aresto kay FPRRD, may monitoring umano na ginagawa si National Security Adviser Eduardo Año sa mga galaw ni Duterte, may mobilization na ng mga pulis bago ang araw ng pag-aresto at may mga pahayag na ang key officials na makikiisa ang administrasyon kapag idinaan ang request ng ICC sa INTERPOL.

Ikatlo ay pinagkait kay Duterte ang “liberty to abode” kung saan inalisan ng karapatan ang dating Presidente na mabisita ng pamilya at pinagkaitan na mag-apply para sa kanyang interim release o para makapagpyansa.

Sa ngayon aniya ay pinagpaplanuhan pa ng kanyang komite ang pagpapatawag ng ikalawang pagdinig dahil kailangan nila ng mga matitindi, magagaling at malaman na mga testigo.