Isiniwalat ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Linggo, Enero 11, na may tinatayang P2.5 hanggang P3.5 bilyong allocables o pork barrel fund si Senator Imee Marcos sa 2025 national budget. Dahil dito, iginiit ni Lacson na wala umanong moral ascendancy ang senadora upang batikusin ang sinasabing pork barrel sa 2026 General Appropriations Act o GAA.
Ayon kay Lacson, ang naturang allocable ay nakapaloob sa 2025 National Expenditure Program na inihanda ng yumaong dating Public Works Undersecretary na si Catalina Cabral. Aniya, kahit tinanggal na ang ilang allocables sa mismong NEP, muling lumitaw ang ilan sa mga ito sa yugto ng bicameral conference committee hanggang sa maging bahagi ng enrolled bill.
Dagdag pa ni Lacson, may bahagi rin ng pondo ni Sen. Imee na itinakda para sa later release at may ilan na umanong naipalabas na.
Dahil dito, binigyang-diin ng senador na hindi umano makatwiran ang pagbatikos ni Sen. Imee sa 2026 national budget na kanyang inilarawang puno ng pork, sapagkat ayon kay Lacson, ang senadora mismo ay may nakalaang pork barrel fund sa nakaraang badyet.











