Nanawagan si Senator Imee Marcos nitong Biyernes sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na pansamantalang ipahinto ang koleksyon ng buwanang mandatory contributions ng mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin dulot ng krisis sa Middle East.
Kabilang sa mga ahensyang tinukoy ni Marcos ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“Ang krisis sa gasolina at krudo ay pabigat lalo sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino, lalo na sa ating mga manggagawa. Kaya’t marapat lamang na bigyan natin sila ng kahit isang buwan o higit pang palugit sa pagbabayad ng kanilang mga obligasyon,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, “‘Wag muna nating kaltasan ang kanilang sahod. Ibigay muna ito nang buo upang kahit paano ay makasabay sila sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin.”
Ayon sa Senadora, napatunayan nang epektibo ang ganitong hakbang noong panahon ng pandemya at pagkatapos ng iba pang kalamidad.
Noong Martes, nagdeklara ang Pangulo ng state of national energy emergency at inutusan ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para sa mga apektadong sektor.
Kasabay nito, pinaigting ang whole-of-government response upang matiyak ang seguridad ng suplay ng enerhiya, suportahan ang mga pangunahing sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at MSMEs, at protektahan ang mamamayan laban sa epekto ng global oil supply disruptions.
“Patuloy ang krisis na ito na wala pang kalinawan kung hanggang kailan matatapos. Nararapat lang na gawin natin ang lahat ng makakaya para matulungan ang taumbayan,” pahayag ni Imee Marcos.










