Nagbanta si Senador Rodante Marcoleta na sasampahan ng kasong treason si dating Korte Suprema Associate Justice Antonio Carpio kaugnay ng desisyon nito sa kasong Magallona vs. Ermita noong 2011 tungkol sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Sen. Marcoleta, pumanig umano si Carpio sa pagliit ng territorial sea kapalit ng mas malaking Exclusive Economic Zone, na aniya’y nagresulta sa pagkawala ng bahagi ng teritoryo. Iginiit din ng senador na ang datos na isinumite ng pamahalaan sa arbitral tribunal ay nagpapakitang may mga isla sa Kalayaan Group na lampas sa itinakdang baseline.
Tumugon si dating Associate Justice Carpio at sinabing hindi maaaring maganap ang treason kung walang digmaan, alinsunod sa Revised Penal Code. Ipinaliwanag niyang ang hindi pagsunod sa 12-nautical mile limit ay labag sa United Nations Convention on the Law of the Sea at maaaring nakaapekto sa arbitration case ng Pilipinas laban sa China.
Samantala, handang mag-host ng pampublikong debate ang Philippine Bar Association para kina Sen. Marcoleta at Atty. Carpio.








