Tinanggap ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang hamon ni Senador Rodante Marcoleta na magsagawa ng pampublikong debate ukol sa West Philippine Sea (WPS).
Tatalakayin sa naturang debate kung may legal na batayan ang terminong West Philippine Sea at kung saklaw nito ang mga maritime feature ng Kalayaan Island Group (KIG).
Sumiklab ang isyu matapos ihayag ni Marcoleta na posibleng isuko ng Pilipinas ang ilang bahagi ng KIG, dahil umano ang mga ito ay wala sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa. Ang pahayag na ito ay agad na umani ng matinding pagtutol mula sa iba’t ibang sektor.
Mariing kinontra ang pahayag ng senador ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard na si Commodore Jay Tarriela, na nagpaabot pa ng imbitasyon kay Marcoleta na sumama sa isang Maritime Domain Awareness flight upang personal na makita ang aktuwal na kalagayan sa lugar.
Bukod kay Carpio, sinabi ni Marcoleta na bukas din siyang makipagdebate kina Commodore Tarriela at Prof. Jay Batongbacal ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.
Si Carpio ay kilala bilang isa sa mga pangunahing tagapagtanggol ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, lalo na matapos ang 2016 arbitral ruling na nagbasura sa nine-dash line claim ng China.
Umaasa ang ilang tagamasid na ang isasagawang debate ay makatutulong upang maliwanagan ang publiko sa mga legal na usapin ng West Philippine Sea at sa kahalagahan ng pagpapanatili ng soberanya ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang teritoryo.











