--Ads--

Pinuna ni Senator Imee Marcos ang patuloy na paggamit ng imported na bigas sa programang “benteng bigas” ng pamahalaan, sa kabila ng kasalukuyang anihan at kawalan umano ng deklarasyon ng kakulangan sa suplay.

Ayon kay Marcos, wala naman umanong inideklarang rice shortage ang Department of Agriculture (DA), ngunit nag-aangkat pa rin ang gobyerno. Sinabi ng senador na ito ay malinaw na senyales ng pananamtala ng ilang opisyal na mas pinipiling kumita kaysa protektahan ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka.

Binatikos din ni Marcos ang tila pagpapahintulot ng ilang opisyal ng Food Terminal Incorporated (FTI) sa importasyon upang mapanatili ang kanilang posisyon, sa halip na itaguyod ang mandato ng ahensya na dapat ay direktang bumibili ng ani mula sa lokal na magsasaka.

Dagdag pa ng senador, hindi rin umano naipapatupad nang maayos ang contract growing arrangements na maaaring makatulong sa mga magsasaka, at ginagamit lamang umano ito bilang dahilan para ipagpatuloy ang importasyon.

--Ads--

Kasunod nito, nanawagan si Marcos sa pamahalaan na ituon ang suporta sa lokal na sektor ng agrikultura at huwag protektahan ang mga nakikinabang sa importasyon ng bigas.