Naghain si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ng isang panukala para sa pagdaraos ng kauna-unahang parliamentary election ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Marso 30, 2026.
Ayon kay Zubiri, may-akda at sponsor ng Bangsamoro Organic Law (BOL), mahalaga umanong matiyak ang karapatan ng taga-BARMM na bumoto ng kanilang mga lider dahil ang halalan ang ‘cornerstone’ ng isang matatag na demokrasya.
Layunin ng panukala na amiyendahan ang Section 13, Article XVI ng Republic Act 11054, o Bangsamoro Organic Law (BOL), at itakda ang eleksiyon ng BARMM sa Marso 2026. Magsisimula naman ang termino ng mga nahalal na opisyal sa Abril, isang buwan matapos ang halalan.
Nakasaad din sa panukala na isasabay ang susunod na halalan ng BARMM sa 2028 national election at isasagawa kada tatlong taon pagkatapos nito.
Ang Commission on Elections (Comelec), sa pamamagitan ng Bangsamoro Electoral Office, ang maglalabas ng panuntunan at regulasyon para sa pagsasagawa ng halalan alinsunod sa batas pambansa, ng BOL at ng Bangsamoro Electoral Code.
Sa ilalim ng BOL, ang parliament ay may 80 miyembro, kung saan 50 porsiyento ay kinatawan ng partido, 40 porsiyento ng single-member district at 10 porsiyento ay nakareserba naman para sa iba’t ibang sektor tulad ng non-Moro Indigenous Peoples, settler communities, mga kababaihan, kabataan, tradisyunal na mga lider at ulama.
Noong Enero 13, inaprubahan ng Bangsamoro Parliament ang BTA Bill No. 415 o Bangsamoro Parliamentary District Act of 2025 matapos ang higit 10 oras na sesyon.










