Siniguro ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na walang isinusuko ang Pilipinas sa China sa planong pakikipag-usap ng mga senador sa Chinese Embassy.
Giit ni Lacson, wala tayong isinusuko at lalong hindi tayo yumuyuko kaninuman sa nakatakdang pagpupulong sa mga opisyal ng Chinese Embassy.
Paliwanag ng senador, ang pag-uusap ay para maiwasan ang mga maaanghang na palitan ng salita sa social media at maging direkta ang pag-uusap.
Dagdag pa ni Lacson, ito ay paghahanap lamang ng middle ground para makapag-usap at magka-liwanagan pero hindi ito nangangahulugan na para maging maayos lang ay may isusuko o pagbibigyan na ang Chinese Embassy.
Sinabi pa ni Lacson na bago makipag-ugnayan sa Chinese Embassy, mahalagang matiyak ang malinaw na komunikasyon ng mga senador sa isa’t isa at hindi maganda na nagkakapikunan ang mga mambabatas sa usapin ng pagmamay-ari ng teritoryo.









