--Ads--

Isinusulong ni Sen. Erwin Tulfo ang muling pagpapatupad ng work-from-home setup sa mga pribadong kompanya at ahensya ng pamahalaan bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Sen. Tulfo, makatutulong ang work-from-home arrangement upang mabawasan ang gastusin ng mga manggagawa, lalo na kung hindi naman kinakailangan ang pisikal na presensya sa trabaho.

Aniya, binanggit niya na ang mga empleyado sa larangan ng planning, research, administrative work, at customer service ay maaaring magsagawa ng kanilang trabaho mula sa bahay.

Ipinaalala rin ng senator  na napatunayan na ang bisa ng ganitong setup noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, kung saan naging epektibo ang online work arrangements, pati na ang distance learning at telemedicine services.

--Ads--

Para naman sa mga trabahong nangangailangan ng pisikal na presensya tulad ng manufacturing, hotel at restaurant services, at mga ospital, iminungkahi ni Sen. Tulfo ang carpooling o pagsasama-sama sa iisang sasakyan upang makatipid sa gastusin sa gasolina.

Dagdag pa niya, maaari ring gumamit ng ride-hailing apps ang magkakatrabaho at maghati-hati sa pamasahe.

Napansin din ng mambabatas ang pagdami ng stranded na mga pasahero sa lansangan, na iniuugnay niya sa pagbaba ng bilang ng mga bumibiyahe na pampublikong sasakyan dahil sa mataas na presyo ng petrolyo.