--Ads--

CAUAYAN CITY- Kinakailangan umanong irespeto ng Senado ang karapatan ni Suspended Bamban Mayor Alice Guo at tiyakin na hindi dapat ma-violate ang Human Rights nito.

Ito ang inihayag ng isang Human Rights Lawyer matapos umapela sa mataas na hukuman si Guo para sa Temporary Res­training Order (TRO) and/or preliminary writ of injunction na magbabawal o magpapatigil sa naturang komite upang imbitahin siya bilang resource person sa mga pagdinig na isinasagawa nito, gayundin ang pag-iimbestiga sa kanyang personal at pribadong buhay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares, Human Rights Lawyer at Activist, sinabi niya na bagama’t kailangang i-respeto ang karapatan ng suspendidong alkalde ay kinakailangan din nitong irespeto ang imbitasyon ng Senado.

Aniya, bilang resource person ay may karapatan siyang hindi sagutin ang mga tanong ngunit pakiusap niya na huwag na lang basta manahimik si Guo  para malaman na ang puno’t dulo ng isyu.

--Ads--

Maaari din aniyang kasuhan ng Perjury si Guo kung mapatunayan na false statement o walang katotohanan ang mga binitawan nitong salita sa mga nagdaang mga pagdinig sa Senado.

Samantala, umaasa naman siya na mapanagot ang mga opisyal na nasa likod ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.