Panahon na para kay Vice President Sara Duterte na ipagtanggol ang sarili o depensahan ang mga ipinaparatang laban sa kanya matapos na tuluyang isampa ang impeachment case nito sa Kongreso.
Ito ang inihayag ng isang abugado matapos na 215 kongresista ang lumagda sa 4th impeachment complaint na higit pa sa 1/3 na kailangang lagda ng 306 mambabatas para maiakyat ang reklamo sa Senado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi niya magandang may accountability sa kongreso at masusubukan naman ngayon kung may public accountability rin ang senado sa pag-usig sa kaso ni VP Sara.
Aniya sa panahong ito ay kailangang makita na ng taumbayan na may managot na mga tiwaling public official dahil sa napakaraming katiwaliang nangyayari sa bansa para maibalik ang kanilang tiwala sa pamahalaan.
Sa dami ng mga alegasyon na ipinupukol kay VP Sara ay kahit isa lamang sa mga ito ay pwede na siyang tanggalin sa pwesto.
Aniya kakayanin namang tapusin ito bago mag-adjourn ang 19th Congress dahil batay sa Senate Rules, kapag may naisumite nang complaint ay agad itong lilitisin ng araw-araw.
Bago kasi magtapos ang sesyon kagabi ay nagmosyon si Senator Joel Villanueva na adjourned na ang sesyon at muling magbabalik sa June 2, 2025.
Sa huling bahagi ng sesyon ay binasa ni Villanueva ang Senate Resolution 21 kung saan binibigyang awtorisasyon ang lahat ng mga regular standing committees, oversight committees at special committees na magsagawa ng pagdinig, pulong at konsultasyon tuwing recess.
Ayon kay Atty. Cayosa, hindi pwedeng sabihin ng mga senador ngayon na wala na silang panahon na litisin ang kaso dahil sa nasabing alituntunin ng Senado at tatapusin nila ito kahit pa sila ay nag-adjourn na sa tungkulin sa legislative.