Nagsagawa ng sponsorship speeches ang Senate Minority Bloc, kabilang sina Sen. Bong Go, Sen. Imee Marcos, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Robin Padilla, para sa Proposed Resolution No. 307 na naglalayong ipanawagan na ang mga warrant mula sa International Criminal Court (ICC) ay dumaan muna sa hukuman ng Pilipinas bago maisakatuparan ang extradition o surrender ng Filipino citizen.
Ayon kay Sen. Bong Go, ang resolusyon ay nakatuon sa proteksyon ng bawat Pilipino at due process, hindi para sa sinuman bilang shield. Iginiit niya na dapat may sapat na panahon ang nasasakdal upang humingi ng legal remedies sa lokal na korte bago isumite sa ICC. Sinabi rin niya na ang resolusyon ay nagtataguyod ng pantay na proteksyon sa batas para sa lahat, karaniwan man o nasa puwesto.
Binanggit ni Sen. Marcoleta na handa ang Pilipinas na magsagawa ng imbestigasyon at paglilitis sa mga kasong crimes against humanity sa ilalim ng pambansang batas, kabilang ang RA 9851, special courts, at mga hakbang para protektahan ang mga biktima at testigo. Idinagdag niya na mahalaga ang judicial intervention bago maisakatuparan ang surrender upang mapangalagaan ang karapatan ng bawat Filipino.
Ipinunto naman nina Sen. Marcos, Estrada at Padilla na hindi dapat palampasin ang soberanya ng bansa at ang hurisdiksyon ng ating mga korte. Iginiit nila na ang hustisya ay dapat ipatupad ng lokal na korte bago ang anumang internasyonal na proseso, at ang resolusyon ay hindi lamang para sa mga senado na nasasangkot sa ICC case, kundi para sa lahat ng Pilipino.
Pansamantalang ipinagpaliban ang konsiderasyon ng measure dahil sa pagliban ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.











